Monday, October 14, 2013

Introduksyon

Ang praymer na "Tanong-Sagot ukol sa Pork Barrel" ay inilathala upang maging gabay sa mga magtatalakay ng naturang isyu sa batayang masa - sa manggagawa't maralita sa lungsod at kanayunan.

Ito ay sinulat ni “Pilipinong KonTRAPOrk” para sa Partido Lakas ng Masa (PLM), Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) at SANLAKAS. Ang nasabing mga organisasyon ay aktibong kasapi ng Kilusang KonTRAPOrk, isang kilusan laban sa trapong pulitika at katiwalian sa gobyerno. Maari siyang makontak sa pamamagitan ng email: pilipinongkontrapork@gmail.com.

Binubuo ito ng siyam (9) na seksyon, kung saan, bawat paksa ay sinimulan sa sumusunod na mga tanong:
Naniniwala tayong ang pag-asa ng paglakas ng kilusan ng mamamayan laban sa katiwalian ay nakasalalay sa pagkilos ng naghihirap na seksyon ng populasyon, na siyang mayorya ng lipunang Pilipino.

Tumungo sa mga pabrika’t plantasyon, komunidad ng urban/rural poor, iskwelahan at simbahan. Mulatin, pakilusin at organisahin ang mamamayan para sa tunay na pagrereporma sa badyet ng gobyerno at sa paglaban sa bulok na pulitika ng mga trapo.

MAARING I-DOWNLOAD ANG KOPYA NG PRIMER SA PDF FORMAT (e-book):

Ano ang maari mong gawin para labanan ang “Pork Barrel”?

Hindi makukuha sa isang bigwas ng laban ng “pork barrel”. Kahit dumagsa ang daan-daang libong mamamayan sa Luneta noong Agosto 26, hindi natinag ang Palasyo.

Kunwari pang “inalis” ang PDAF pero pinatili ang “pork barrel” ng mga mambabatas. Pinalitan lamang ang proseso. Dati, ang bawat kongresista’t senador ay may P70 Milyon at P200 Milyon na pinagdedesisyunan ng bawat isa. Ngayon, nananatili pa rin ang pondong ito pero nasa kapasyahan na ng buong kapulungan. 

Bukod dito, nabulgar din ang Disbursement Acceleration Program (DAP), kung saan, ang natipid o “savings” sa pondo ay inilaan ng Department of Budget and Management (DBM) sa mga mambabatas na “malapit sa kawali” gaya ni Drilon. 

Nagmamatigas pa rin ang Palasyo. Ngayon nga’y nagkakabuhol-buhol at nagkakabulol-bulol na ito sa pagdepensa sa “pork barrel”. Laluna sa “presidential pork” na nagkakahalagang P1.3 Trilyon.

Saan magmumula ang pwersang lalaban sa “pork barrel”? Walang ibang pagmumulan ito kundi ang lakas ng pagkakaisa ng mamamayang Pilipino. Ang paglaya ng taumbayan mula sa korapsyon ay nakasalalay sa KILUSANG MASA; nasa pagkilos ng masang naghihirap.

Kailangan nating maging mapanlikha sa pagmumulat at pagpapakilos sa mamamayan. Kumbinsihan sila sa katumpakan ng ating mga panawagan. Kunin ang kanilang komitment sa laban sa pandarambong sa kaban ng bayan at sa elitistang pulitika. Tuklasin ang iba’t ibang porma ng pagkilos liban pa sa tradisyunal na pagrarali. Payabungin ang kanilang pagkukusa’t inisyatiba. Suportahan ang kanilang “ambag”, gaano man kaliit, sa kilusan laban sa pork. 

Sa manggagawa: Ilunsad ang mga talakayan ukol sa pork barrel tuwing breaktime. Sa mga may unyon, ipatawag ang mga pulong para sa diskusyon ukol sa naturang isyu; hikayatin ang paglahok ng lahat ng empleyado, maging ang mga kontraktwal.  Pagkaisahan ang union resolution para sa pagrereporma sa pagbabadyet ng gobyerno at paglilitis sa mga tiwaling mga opisyal. Magsabit ng “anti-pork” streamer sa labas ng pabrika.

Sa mga komunidad: Ipatawag ang mga pulong-bayan para ilinaw ang ating mga panawagan laban sa korapsyon at elitistang pulitika. Sundan ang sinimulang “noise barrage” ng mga relihiyoso tuwing Biyernes.

Sa mga estudyante: Magtalakayan ukol sa isyung nabanggit. Pumosisyon ang lahat ng samahang kabataan laluna ang mga student council laban sa “pork”.   Higit sa lahat, “tumungo sa masa” para isalin ang inyong pagsusuri sa mga kabulukan ng lipunan.

Mga kababayan, ang ating bansa ay ipinundar sa kagitingan ng ating mga bayaning lumaban para sa tunay na demokrasya. Mula tayo sa marangal na lahing nagbagsak sa diktadura. Subalit hindi pa tapos ang laban na kanilang sinimulan. Manalig tayo sa ating sarili. Sapagkat – higit kailanman – ang ating sasandigan ay ang pagkakaisa at pakikibaka ng sambayanang Pilipino.

photo credit: watchmendaily.com

Ano ang Dapat Gawin sa Pork Barrel (at Pagbabadyet ng Gobyerno)?

Kung totoo ang ipinagmamalaking “tuwid na daan” ng administrasyon ni Noynoy Aquino, na nagtagumpay sa islogang “kung walang korap, walang mahirap”, dapat inalis na “pork barrel” na matagal nang itinuturong ugat ng korapsyon sa gobyerno. Subalit hindi na nga tinanggal, lumobo pa ito mula 2010.

Kaisa natin ang buong sambayanang nananawagan sa pagbabaklas ng sistemang “pork barrel”. Isinusulong natin ang sumusunod na panawagan:

SCRAP ALL PORK. Alisin ang lahat ng anyo ng pork barrel. Hindi lamang ng PDAF ng mga kongresista’t mambabatas kundi ng lahat ng ganitong klase ng mga pondo’t proyekto na hindi detalyadong inililista kung saan ilalaan, dinidesisyunan lamang ng iilan at inaangkin/kinokontrol ng opisyal ng bayan. Dapat alisin ang “presidensyal pork”. Repormahin ang pagbabadyet tungo sa pagtutukoy sa paglalaanan ng lahat ng pondo ng gobyerno. Maaring maglagay ng lump-sum na badyet para sa mga sakuna at kagyat na mga suliranin ngunit gawing istrikto ang paggamit nito upang hindi magresulta sa pang-aabuso ng mga pulitiko.


INVESTIGATE and PROSECUTE ALL. Imbestigahan at parusahan ang lahat ng sangkot sa paglulustay sa kaban ng bayan, kasama ang tinuturong “mastermind” ng P10 Bilyon Pork Barrel Scam na si Janet Lim-Napoles. Sa ngayon, napupuruhan ng atensyon ang kaso laban kina senador Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada, Bong Revilla, at iba pang mambabatas, na puro mga nasa partido ng oposisyon. Magkaroon ng isang totoo at walang-sinasantong imbestigasyon sa pondo ng gobyerno tungo sa isang komprehensibong audit sa pondo ng pamahalaan.

AUDIT and DISCLOSE ALL. Ilabas ang 2010 – 2012 report Commission of Audit (COA), hindi lang ang report mula 2007 hanggang 2009 na siyang pinagmumulan ng mga kasalukuyang kaso sa Ombudsman. Isabatas ang Freedom of Information (FOI) Bill upang maging bukas sa publiko ang lahat ng dokumento ng gobyerno.

REPORMA SA PAGBABADYET NG GOBYERNO. Bigyang boses ang taumbayan sa pagbabadyet. Ito ay nasa diwa ng “soberanya” na ayon sa 1987 Constitution, ang lahat ng kapangyarihan ng gobyerno ay nagmumula sa taumbayan. Ang mamamayan ang magtatakda kung paano ililipat ang “pork barrel” tungo sa serbisyo publiko gaya ng edukasyon, kalusugan, pabahay, atbp.

Ano ang Ugat ng Pork Barrel?

Kapag napag-uusapan ng taumbayan ang sunod-sunod na mga iskandalo matapos mabulgar ang “P10 Bilyon Pork Barrel Scam”, madalas punahin ng taumbayan ang “ugali” ng mga nasasanangkot sa mga iskandalo. Dahil sila ay swapang, ganid, switik, atbp.

Pero ang ginagawa ng isang tao ay hindi niya arbitraryong ginagawa o basta-bastang idinidikta ng kanyang ugali. Ang mga desisyon sa buhay ng tao ay hinuhulma’t hinubog, iniimpluwensya’t inuudyukan ng mga bagay ng labas o eksternal sa kanya. Idinulot din ito ng umiiral na sirkumstansya.

Sa kaso ng “Pork Barrel”, ang ganitong gawi ng mga pulitiko ay nagmumula isang kondisyon para sa sistematikong pagnanakaw ng kaban ng bayan.  Ito ay ang sistema ng elitistang demokrasya, na nanumbalik sa bansa matapos ang EDSA 1.

Matapos ang Pebrero 1986, sinasabing nanumbalik na raw ang “demokrasya” sa bansa. Kung dati ay naididikta ng mga Marcos kung sino ang magsisilbing opisyal ng gobyerno, ngayo’y hinahalal na sila ng taumbayan.


Pero anong klase ng demokrasya ang bumalik? Hindi ang tunay na demokrasya na ang diwa’y paghahari ng nakararami o “rule of the majority”. Ang milyon-milyong ordinaryong mga sibilyan ay taga-boto at taga-buwis lamang. Hindi tayo kasali sa pagugubyerno. Hindi kinokonsulta ang kanilang boses kung magkanong buwis ang kanilang papasanin at kung saan gagastusin ang mga nakolekta ng gobyerno.

Ang totoong nagaganap ay kabaliktaran ng demokrasya. Isang diktadurang nakakubling demokrasya. Diktadurya ng iilan sa nakararami!

Ganito ang sistema ng “elitistang demokrasya”. Hindi na kailangang konsultahin pa ang boses ng taumbayan dahil bahala na ang kanilang mga kinatawang hinalal nila para maging opisyal ng burukrasya. Ito ang klase ng pulitika sa bansa bago mag-Martial Law.

At nang nanumbalik ito noong 1986, kasabay ding nakabalik sa poder ang mga apelyidong dating nang naghahari sa bansa: ang mga Cojuangco, Aquino, Roxas, Osmena, Macapagal, atbp., At pati mga bagong “political dynasty” na sumibol sa panahon ni Cory gaya ng mga Binay.

Ang paghahari ng mga “political dynasty” sa bawat syudad, munisipyo at probinsya ay nanatili at lumalawak sa pamamagitan ng “pork barrel. Sila na kumukha ng “kickback” sa mga proyekto. Sila na ume-EPAL sa bawat binibigay na tulong. Sila na bumibili ng boto tuwing halalan. Higit sa lahat – ang mga dinastiyang ito ang tuwing halalan na tagahakot ng boto ng mga kandidato sa pambansang posisyon (pangulo, bise-presidente, senador). At matapos ang eleksyon, bilang ganti, sila ay bibigyan ng mga proyekto ng mga gobyerno kapalit ng kanilang serbisyo.

Kawatan na sa kaban ng bayan. Kinatawan pa ng mayayaman. Ang ating burukrasya ay ang pinakamalaking sindikato sa bansa. Gaya ng mga organisadong mga kriminal, kumikilos silang lingid sa kaalaman ng publiko. Sikreto ang galaw ng buong burukrasya. Umaandar ang mga milyon-milyon at bilyon-bilyong mga transaksyon sa likod ng mga anino at hindi natatanaw ng taumbayan. Dahil nakatago sa mamamayan, hindi nakapagtatakang maging “likas” sa kanila ang maging mga magnanakaw at mandarambong.

Subalit ang mas masahol, hindi lamang sila mga kawatan. Mas pa, sila ay mga representante ng mayayaman. Kumakatawan sa interes ng mga dayuhang korporasyon, mga kapitalista at mga asendero. At numero unong tagapagtaguyod ng mga patakarang liberalisasyon, pribatisasyon, deregulasyon at kontraktwalisasyon. Mga polisiyang nagdulot ng matinding kompetisyon mula sa dayuhang mga produkto, pagtaas ng singil sa kuryente’t tubig, kawalang kontrol sa sumisirit na presyo ng produktong petrolyo’t langis, at pagbagsak ng sahod at kawalan ng regular na trabaho.

Nakikinabang ba ang Taumbayan sa Pork Barrel?

Bago pa man nabulgar ang “P10 Billion Pork Barrel Scam” na kinasasangkutan ni Janet Lim-Napoles at ilang mga opisyal ng gobyerno (hindi lamang kongresista’t senador kundi maging mga kawani sa DBM at COA), alam na ng taumbayan ang ligal at iligal na paggamit ng mga pulitiko sa pondo ng gobyerno.

Subalit ang problema – marami ang nanahahimik, maging ang mga ordinaryong mamamayang nagrereklamo sa buwis at korapsyon. Sila rin kasi ay natatalmsikan ng mantika ng “pork barrel” na tipak-tipak namang sinasagpang ng mga pulitiko. Ito ay mamamayang tinutulak ng desperasyon na pumila para sa mas mura o libreng gamot, pagpapagamot, pagpapaospital, iskolarship, at iba pang mga proyektong tinutustusan ng “pork barrel”.

Huwag mangangatuwiran ang ating magigiting na mga opisyal na dapat manatili ang “pork barrel” dahil nakikinabang dito ang taumbayan. Sa pamamagitan raw nito, nakakatulong sila sa mahihirap.

Ang lakas ng loob at kapal ng mukha ng mga ito! Tayo pa ang magpapasalamat sa kanila!? Kanino ba nagmula ang kanilang “tulong”? Sa atin din!

Subalit – at ito ang tunay na mas masahol – ang kanilang diumano’y “pagtulong” sa mamamayan ay pabalat-bunga lamang ng komplikadong modus operandi para pasimpleng magnakaw sa kaban ng bayan.

Sa milyon-milyong halaga ng proyekto mula sa “pork barrel”, aambunan ng barya ang libo-libong mahihirap na benepisyaryo. Habang may substansyal na bahagi ng pondo ang makukulimbat na “porsyento” o “kickback” ng mga pulitiko, na karaniwang nasa bente porsyento (20%) ng kabuuang badyet ng proyekto bago nabulgar ang pork barrel scam.

Itinuring na nga tayong pulubi. Binigyan pa ng baryang hindi naman nanggaling sa kanila. Habang nangatuwiran pang sila ay tumutulong lamang. Pero mas malaki pa ang kanilang naibulsa kumpara sa masang kanilang “tinulungan”!

At pagdating ng halalan, hihingiin pa nila ang boto bilang “utang na loob” o kabayaran sa kanilang pagtulong. Tayo na ang ninakawan. Tayo pa ang may utang. Utang na loob! Ano ito kundi isang malaking kahibangan!?!

Subalit may karamihan din sa ating taumbayan ang kusang nagpapabiktima sa sistemang “pork barrel”.

Mas mainam na raw na nariyan ang “pork barrel” dahil mayroong nahihingian at nalalapitan ang taumbayan. Pero totoo bang ang nakikinabang ay ang taumbayan? Hindi bilang kabuuan kundi bilang mga hiwa-hiwalay na mga indibidwal na kanya-kanyang dumidiskarte kung sinong pulitiko ang kanilang malalapitan.

Narito ang problema. Hindi nagkakaisa ang masang Pilipino. Ang iniisip ay solo-solong katawan at solo-solong pamilya. Walang pakialam sa kaban ng bayan ang nireresolba lang ay ang araw-araw na pagpapakalma sa sikmurang walang laman.


Kung ganitong mag-isip ang taumbayan, huwag tayong magtaka kung bakit may mga pulitikong tila mga hari’t reyna na nangingibabaw sa lipunan at may kakuntsaba silang gaya ni Janet Lim-Napoles. Sapagkat ang namamayaning kaisipan ng masang mamamayan ay “Hindi na baleng alipin, basta kumakain!”

photo credit: Philippine Collegian

Ano ang Epekto ng Pork Barrel?

Bulgar na sikreto ang tiwaling paggamit ng mga pulitiko sa pondo ng gobyerno. Sa ligal at iligal na paraan ito ay para sa kanilang sa sariling pagpapayaman at sa pagpapanatili sa kapangyarihan.

Ngunit ang tila hindi pinapansin na marami, ang “pork barrel” ay sintomas ng matinding kanser sa lipunan, na nagdudulot na sumusunod na mga epekto:

a)      Atrasadong ekonomya. Ang Pilipinas ay isang bansang sagana sa likas-yaman at yamang-tao. Subalit hindi umuunlad ang ating ekonomya para bigyan ang ating mga kababayan ng disente’t regular na trabahong may sapat na sweldo, na siyang dahilan kung bakit nangingibang-bayan ang mga Pilipino. 

Sa paglipas ng mga taon, nawawaldas ang pondo ng gobyerno dahil sa “pork barrel”. Hindi ito nailalaan sa pagpupundar ng mga sangkap para sa isang masiglang ekonomya: ang modernisasyon ng agrikultura at industriyalisasyon. Mas maliit din – kumpara sa naibabayad sa utang-panlabas – ang pondo para sa iba’t ibang pangangailangan ng taumbayan: kalusugan, edukasyon, pabahay, atbp.

Isang kabalintunaan ang resulta. Palagiang katwiran ang kakapusan ng pondo ng gobyerno para sa serbisyo publiko na siyang dahilan ng pribatisasyon at pakikipagsosyo nito sa mga kapitalista. 


Ang pribadong sektor ay hinihikayat na mamuhunan sa pagtatayo ng ospital, iskwelahan, pabahay, kalsada, mga pasilidad sa kuryente at tubig. Pero mahigit isang trilyong piso ang winawaldas ng mga pulitiko sa anyo ng pork barrel.

b)      Bulok na pulitika. Linulukuban ng kawalang pag-asa ang taumbayan. Ngunit hindi naman ito inaalintana ng mga pulitiko. Mas nagiging bentahe pa nga sa kanila kapag walang mapagkukunang marangal ng hanapbuhay ang nakararami. Dahil bulnerable sila sa panunuhol, hindi lang tuwing eleksyon kundi maging sa mga panahon ng kagipitan para sila ay lumapit kay meyor, gubernador, kongresman, senador, bise-presidente at pangulo para sa animo’y “libreng tulong”. Pero sa totoo lang, ang ayudang ito ay hindi “libre” kundi binabayaran ng taumbayan sa anyo ng buwis.

“Pork barrel” ang dahilan ng paghahangad ng mga pulitiko na makapwesto sa gobyerno. Ito rin ang ginagamit ng mga pangulo ng republika ng Pilipinas para sumunod ang lahat ng opisyal ng burukrasya. Hindi nakapagtatakang nakapabilis magpalit ng kulay ang mga pulitiko. Bumabalimbing at tumatalon sa naghaharing partido ng administrasyon. Hindi nag-uusap ng prinsipyo, programa o plataporma. Hindi inaalam ng mga namumuno kung saang direksyon dadalhin ang bansa. Kaya ang ating bayan ay maihahambing sa  barkong hindi alam kung saan tutungo.

Napakalaki ng pondong nakokolekta mula sa buwis na pasan ng taumbayan. Ngunit imbes na paglaanan ang isang pangmatagalan, komprehensibo at makatuwirang plano tungo sa progresong panlipunan, ito ay nagsisilbi sa panandalian, makitid at makasariling interes ng iilang pulitiko.

k)      Matinding kahirapan. Ang pagiging atrasado ng ekonomya (dahil kulang sa ayuda ng gobyerno para sa mga pasilidad at serbisyo) at ang bulok na pulitika ng mayayamang mga pulitiko ay dalawang salik sa tumitinding kahirapan ng masang Pilipino.

Umiiral ang isang malaking kabalintunaan. Sa mga pabrika’t plantasyon, nariyan ang manggagawa’t magbubukid na may maliit na kita, pinapasan ang mga buwis na bumabawas sa take-home pay at nagpapataas sa mga presyo ng bilhin. Sa sobrang baba ng pasahod, napipilitang mag-overtime na ang resulta’y tumataas lalo ang buwis na kinakaltas sa sahod at binabayarang VAT kapag ipinambayad sa mga bilihin.

Dahil sa mababang pasahod at kawalan ng regular na trabaho, napipilitan ang marami na umalis ng bansa. Maging OFW at magpadala ng remittances na pinagmumulan din ng buwis kapag ipinambili ng kanilang mga pamilya.

Sa kabilang banda – at narito ang mas malaking bilang ng populasyon – nariyan ang milyon-milyong Pilipinong maikakategorya bilang “poorest of the poor” na pinagsasamantalahan ng mga pulitiko na diumano’y nagbibigay sa kanila ng “tulong”. Dagdag pa ang napakarami ring “underemployed” na nabubuhay sa tinaguriang underground economy gaya ng mga maliliit na manininda sa kalye’t lansangan ng mga syudad at sentrong-bayan sa bawat rehiyon.

Ipinagmamalaki ng gobyerno ang pag-unlad ng ekonomya ng bansa at kabuhayan ng mamamayan. Subalit, ang totoo (at kinukumpirma ito ng mismong datos ng gobyerno), ang nakalasap lamang ng pag-unlad ay ang 40 pinakamayayamang mga pamilya sa bansa, na liban sa mga negosyante’y kabilang ang ilang mga halal ng opisyal ng gobyerno.

Saan Nagmumula ang Pork Barrel?

Ang mga pulitiko, akala mo kung sinong mga aristokrata o dugong bughaw kapag may pinondohang proyekto. Paparada pa sa inagurasyon ng mga bagong kalsada, tulay, iskwelahan at anupang mga imprastrakturang pinatayo ng gobyerno. Personal na tatanggapin ang magkahalong pagmakakaawa't pasasalamat ng mga mamamayang tila mga deboto sa isang patron.

Ito ang pangatlong katangian ng "pork barrel": ang usapin ng kontrol at pag-angkin (CONTROL-ENTITLEMENT) sa pondo/proyekto.


Ang pinakamalinaw na ebidensya ng pag-iral nito ay ang naglalakihang mga billboard na nagsasabi kung kaninong opisina nagmula ang pondo sa isang proyekto. Sa nakaraang eleksyon, ang ganitong gawi ng mga pulitiko ay tinawag na "EPAL" at umani ng batikos sa publiko.

Sa kanilang inaasal, aakalain mong nagmumula sa sariling bulsa ang pondo para sa nasabing mga proyekto kaya dapat lang na magkaroon ng utang-na-loob ang ordinaryong mga sibilyan sa mga pulitiko. Pero hindi! Mula ito sa "Pork Barrel". Mula ito sa taumbayan!

Ang pork barrel ay nagmumula sa kita ng gobyerno, kung saan mahigit 80% ang nanggagaling sa pagbubuwis at halos 20% ang itinuturing na non-tax revenue. Ito ay nagmumula sa sumusunod:

a)      Income Tax sa Sahod at Kita ng mga Korporasyon at Propesyunal

Isang pinagkukunan ng tax revenue ay ang income tax. Ito ang buwis na kinakaltas sa sweldo ng 21.21 milyong sahurang manggagawa at sa kita ng mga korporasyon at mga propesyunal.

Ang "pork barrel" ay mas pasan ng mga sahurang empleyado dahil ang withholding tax ay awtomatikong kinakaltas sa kanilang kita kumpara sa mga korporasyong may iba't ibang paraan para sa ligal na tax avoidance (hindi tax evasion, na isang krimen) habang mas madaling magdeklara ng mas mababa sa totoong kita ang mga negosyante’t propesyunal.

b)      12% Value Added Tax (VAT)

Bukod sa income tax, nariyan ang 12% VAT na pinapasan ng mga kumokonsumo ng produkto't serbisyo at ipinapataw sa presyo ng mga bilihin.

Matagal ng umani ng kritisismo’t batikos ang ganitong klase ng di-direktang pagbububuwis (indirect taxation). Sabi ng mga ekonomista, hindi totoong kontra-mahirap ang ganitong paraan ng buwis. Diumano dahil ang mas malaking kumonsumo ay mas malaking buwis.

Kung titingnan ang absolutong halaga ng buwis na ibinabayad, totoong mas malaking VAT ang babayaran ng mga mayayaman kumpara sa mahihirap. Ang gumagastos ng P100,000 kada buwan ay maaring nagbabayad ng P12,000 sa 12% VAT.

Subalit kung titingnan sa proporsyon ng buwis kumpara sa income, mas malaki ang ibinabayad sa VAT ng mga mahihirap. Dahil ang kanyang kinikita ay buong-buo na kinokonsumo nang walang natitipid para sa savings o pag-iimpok.

Isalarawan natin. Sa ihinalimbawa natin kanina, ang isang may-kayang pamilya ay maaring nagbabayad ng P12,000 na VAT sa kanyang buwanang gastusin na P100,000. Pero kung ang kanilang monthly income ay nasa P150,000, 8% ng kanilang kabuuang kita ang napupunta sa VAT habang mayroon silang buwanang savings na P50,000.

Samantala ang isang manggagawa na may netong kita*, halimbawa, ng P15,000 kada buwan, ang kabuuang kita ay mauuwi sa konsumo. Siya ay magbabayad ng P1,800 na VAT. Mas maliit kumpara sa P12,000 na ibinayad sa VAT ng may-kayang pamilya. Ngunit ang buwis na kanyang pinasan, sa anyo ng VAT, ay 12% ng kabuuang kita, bukod pa sa withholding tax na kinaltas sa kanyang sweldo.

k)      Taripa sa Imported na Produkto

Kasunod ng Bureau of Internal Revenue (BIR), ang Bureau of Customs (BoC) ay ikalawa sa mga ahensyang may pinakamalaking koleksyon sa buwis. Kinokolekta nito ang taripa sa ini-import na mga raw materials para sa industriya at finished goods ng mga komersyante.

Ito ang isa sa pinakakorap na ahensya sa bansa. Ayon sa SONA 2013, may P200 Bilyon na halaga ng buwis ang hindi nakolekta ng BoC noong 2012. Hindi rin nito naabot ang target na P347 Bilyon na koleksyon noong nakaraang taon. P287 Bilyon lamang ang nakolekta ng Customs noong 2012.

Kamakailan lamang, naging kontrobersyal ang naturang ahensya nang ibulgar ni Customs Commissioner Biazon ang pagpasok ng mga “bata” ng mga kongresista’t senador sa naturang ahensya. 

d)     Non-Tax Revenue

Halos 20% ng kabuuang kita ng gobyerno ang hindi nagmumula sa buwis:  ang pabenta’t pagbili ng treasury bills at bonds ng Bureau of Treasury (BTr), ang kita mula sa pagbebenta ng pag-aari ng gobyerno sa pamamagitan ng pribatisasyon at ang kita mula sa mga government-owned and controlled corporations gaya ng PAGCOR.


Sumahin natin: Sa pangunahin, ang “pork barrel” ay mula sa buwis. Buwis na mas pinapasan ng nakararaming naghihirap. Habang kailangang repormahin ang sistema ng pagbubuwis upang ang “tax burden” ay gumaan sa mahihirap, ang masaklap, hindi ito bumabalik bilang serbisyo publiko. Dahil, bukod sa kinukurakot ng mga pulitiko, ang bilyon-bilyong pondo ng gobyerno ay ginagamit nila sa pagpapanatili’t pagpapalakas sa impluwensya’t kayamanan ng kanilang mga angkan. 

Magkano ang Pork Barrel?

Sa makitid na teknikal na depinisyong aplikable lamang sa mambabatas, ang “pork barrel” o PDAF ay may halagang P25.2 Bilyon sa panukalang badyet sa 2014. 

Ang ganitong “pork barrel” o PDAF ng mga kongresista’t senador ay dumoble mula 2010, sa termino ni Pres. Aquino. Mula sa P10.9 Bilyon sa huling taon ni GMA ay naging P24.8 Bilyon sa unang taon ni Noynoy!

Nangyari ito sa kabila ng matagal nang pagbatikos sa korapsyong idinudulot ng PDAF ng mga lehislador at sa kabila ng mandatong “tuwid na daan” o “kung walang korap, walang mahirap” ng kasalukuyang administrasyon. At tandaan nating ginamit ng partido Liberal ang pagkamuhi ng taumbayan laban sa rehimeng GMA kaya ito nanalo noong eleksyong 2010.

Ating ipagkumpara ang dalawang administrasyon.

Ayon mismo sa datos ng DBM, ang average na PDAF sa huling tatlong taon ni GMA (2008 – 2010) ay P7.8 Bilyon.  Ang PDAF bawat taon ay parehong P6.2 Bilyon noong 2008 at 2009, at P10.9 Bilyon noong 2010. 

Samantala sa unang tatlong taon ni Noynoy, ang average na PDAF mula 2010 hanggang 2012 ay P24.8 Bilyon! Parehong P24.8 Bilyon noong 2010 at 2012, at P24.9 Bilyon noong 2011 (tingnan ang table sa ibaba).

Huling Tatlong Taon ni GMA
(2008 – 2010)
Magkano ang taunang PDAF sa dalawang administrasyon?
Unang Tatlong Taon ni Noynoy
(2010 – 2012)
2008 – P6.2 Bilyon
2010 – P24.8 Bilyon
2009 – P6.2 Bilyon
2011 – P24.9 Bilyon
2010 – P10.0 Bilyon
2012 – P24.8 Bilyon
AVERAGE: P7.8 Bilyon kada taon
AVERAGE: P24.8 Bilyon kada taon

Subalit, gaya ng unang nabanggit, ang “pork barrel” ay hindi na lang nakapatungkol sa lehislatura o sa makitid na pakahulugan nito. Meron ding ganito ang Malacanang.

Special Purpose Funds (SPF)
Unprogrammed Funds (UF)
Off-budget Funds
Budgetary support to state-owned corporations - P45.7 billion
Budgetary support to government-owned and controlled corporations - P36.268 million
Debt-servicing – P352 billion
Allocations to local government units - P19.7 bilyon
Support to foreign-assisted projects - P16.124 billion
Internal Revenue Allotment – P341.5 billion
Calamity fund P7.5 billion
General fund adjustments - P1 billion
PAGCOR social fund – P2.4 billion
Contingent fund - P1 billion
Support for infra projects and social programs - P56.349 billion
Motor Vehicles Users’ Charge (MVUC) – P12 billion
DepEd school building program - P1 billion
AFP modernization program - P10.349 billion
Malampaya Funds – P25.3 billion
E-government fund - P2.479 billion
Debt management program - P10.894 billion
PCSO Fund
International commitments fund - P4.8 billion
Risk management program - P30 billion
Realigned Savings at “Hidden Fund”
Miscellaneous personnel benefits fund - P80.7 billion
People's survival fund - P500 million
Intelligence and confidential expenses
Pension and gratuity fund - 120.5 billion


PDAF - P25.420 billion


Feasibility studies fund - P400 million


P310 Bilyon
P139.9 Bilyon
P796 Bilyon (approx.)
KABUUANG PRESIDENTIAL PORK: P1.3 Trilyon (approx.)

P1.3 Trilyon! P1,300,000,000,000 ang “pork barrel” ni Noynoy Aquino. Pero sa ating hindi sanay sa ganito kalaking halaga. Isalarawan natin – para maging kongkreto – kung magkano ito kapag inilaan sa serbisyo publiko? Ito ay katumbas ng:


PDAF (P25.2 Bilyon)
Presidential Pork (P1.3 Trilyon)
Barangay Health Center
(P1 Milyon bawat isa, batay sa konstruksyon ng Bgy. Kakay at Bgy. Tual na nagkahalagang P2 Milyon, ayon sa DILG)
25,200 barangay health center
1,300,000 barangay health center
Klasrum
(P1.75 milyon bawat isa, batay sa PPP School for Infrastructure Project, P16.28 Bilyon para magtayo ng 9,300 klasrum)
14,400 klasrum
742,857 klasrum
Low-Cost Housing Unit
(P1.2 Milyon, average low-cost housing unit, ayon sa NEDA, na nagkakahalagang P225,000 hanggang P2 Milyon, 2005 to 2010)
21,000 bahay
1,083,333 bahay
Doktor sa isang taon
(buwanang sahod ng doktor ng DOH – hindi LGU: P39,493, salary grade 21)
53,174 doktor
2,743,102 doktor
Nars sa isang taon
(batay sa Nursing Act of 2002, Section 32, P24,887, salary grade 15)
84,381 nars
4,353,009 nars
Public school titser sa isang taon
(buwanang sahod na P18,549 plus 2,000 allowance, salary grade 11 sa SSL 2009)
102,995 titser
5,271,952 titser


photo credit: EILER

Sino-sino ang may Pork Barrel?

Sa teknikal at makitid na pakahulugan, ang mayroong “pork barrel” ay mga mambabatas (senador at kongresista) lamang.

Pero ang totoo – kung gagamitin ang mga mga katangian kung bakit itinuring na “pork barrel” ang CDF/PDAF: lump sum allocation, significant or sole discretion, at control/entitlement ng nagdesisyong mga pulitiko – lilitaw na ang LAHAT NG OPISYAL NG BURUKRASYA ay namamantikaan ng pondong mas nagsisilbi sa pansariling o pampartidong interes kaysa sa tustusan ang pangangailangan ng taumbayan.

Ang Pangulo, bilang pinakamataas na opisyal ng burukrasya, ay mayroong “presidential pork”. Ito mga pondong “lump sum” na inilalaan para sa sariling pagdedesisyon at kontrol ng presidente. Kabilang dito, ang mga sumusunod:

(a)    Special Purpose Funds (SPF);

Ang kinamumuhiang PDAF ng mga kongresista’t senador ay nabibilang sa ganitong kategorya. Pero ang PDAF ay maliit na bahagi lamang ng kabuuang SPF na kasama ang Budgetary Support to Government Corporations, Allocation to Local Government Units, Calamity Fund, Contingent Fund, DepEd School Building Program, E-Government Fund, International Commitments Fund, Miscellaneous Personnel, Benefits Funds, Pension and Gratuity Fund (formerly Retirement Benefits fund), PAMANA fund, Priority Social and Economic Projects Fund, Feasibility Studies Fund at Tax Expenditures Fund.

(b)    Unprogrammed Funds (UF) at,

Kasama rito ang Budgetary Support to GOCCs (Recording of Relent Loans in the 2014 NEP), Support to Foreign-Assisted Projects, General Fund Adjustments, Support for Infrastructure Projects and Social Programs, Disaster Risk Reduction and Management, Debt Management, AFP Modernization, Risk Management Program, Payment of Total Administrative Disability Pension, People’s Survival Fund.

(k)  “Off-Budget” Funds.

Ito ay klase ng pondong hindi kasama sa General Appropriations Act ng Congress. Kabilang dito ang PAGCOR Presidential Social Fund, Motor Vehicles Users Charge, Malampaya funds (kita mula sa pakikisosyo sa Shell Philippines para sa pagmimina ng natural gas sa Palawan), PCSO Fund, Internal Revenue Allotment, atbp.

Kasama din rito ang pondong nakalaan sa “automatic appropriations” para sa pagbabayad ng prinsipal sa mga utang ng gobyerno (ang interest payments ay nakalagay sa badyet at saklaw ng General Appropriations Act ng Kongreso).

Ano ang Pork Barrel?

Ang kahulugan ng "pork barrel" ay patuloy na nagbabago batay sa umiinog na pampulitikang kalagayan.

Nagmula ang terminong ito sa Estados Unidos. Sa simula, ito ay may positibong kahulugan. Pumapatungkol sa lahat ng anyo ng paggastos ng gobyerno para sa kanyang mamamayan.

Kinalaunan, mas ginagamit ang salitang “pork barrel” sa negatibong konteksto. Binigyang deskripsyon nito ang pagpopondo sa mga proyektong nakakonsentra sa piling mga lugar lang para makuha ng isang pulitiko o partido ang boto, tiwala’t suporta ng mga benepisyaryo ng pinondohang proyekto. Pinupuna rin nito ang inhustisya sa pondong mula sa pasaning buwis ng buong mamamayan ngunit napakinabangan lamang sa isang erya o teritoryo.

Ang teknikal na depinisyon ng “pork barrel” (sa paggamit ng mga iskolar) ay ang pagkontrol ng lehislatura sa mga pondong lokal at aplikable lamang sa mga mambabatas. Ito ang makitid na pakahulugan ng nasabing termino.

Pero – sa diksyunaryong Oxford at Miriam-Webster – ang “pork barrel” ay mas malawak na ibig sabihin. Pumapatungkol sa paggamit ng mga pondo at sa mga proyekto na naglalayong kunin ang boto ng mga botante/mambabatas at isulong ang pampulitika’t kareristang interes ng mga halal na opisyal ng gobyerno.

Sa Pilipinas, dumaan din sa ebolusyon ang kahulugan ng “pork barrel”. Una itong pumatungkol sa pondong nakalaan sa bawat kongresista’t senador – na hindi na dumadaan sa normal na deliberasyon ng badyet at dinedesisyunan ng indibidwal na mambabatas.

Sa partikular, ginamit ang “pork barrel” bilang katawagan sa Countrywide Development Fund (CDF), na indibidwal na pondo ng bawat mambabatas para sa kanilang kinakatawang distrito/teritoryo. Nang mabulgar ito sa midya, binatikos ang nakukuhang 20% SOP o “standard operating procedure” na bawat kongresista’t senador bilang “kickback” sa mga proyekto.

Noong taong 2000, pinalitan ng pangalan ng CDF at ginawang Priority Development Assistance Fund (PDAF). Bago ito diumano’y “tinanggal” nitong Agosto, nagkakahalaga ang PDAF ng P70 Milyon sa bawat kongresista at P200 Milyon kada senador.

Sa pagkakabulgar ng P10 Bilyong PDAF scam ni Janet Lim-Napoles, mas lumawak ang pagkakagamit ng terminong “pork barrel”.  Sinaklaw na rin ang lahat ng pondo ng gobyerno (hindi na lamang sa lehislatura) na may katangiang gaya ng PDAF at CDF.

Ang “pork barrel” ay kinatatangian ng sumusunod:

(a) buo-buong paglalaan ng pondo at hindi paghihimay nito sa deliberasyon (LUMP-SUM APPROPRIATION);

(b) pagmumula sa signipikante (at kadalasa’y natatanging) pagdedesisyon ng isa o higit pang opisyal ng gobyerno (SIGNIFICANT – AND OFTEN SOLE DISCRETION by public officials); at,

(k) pagkontrol at/o pag-angkin ng naturang mga opisyal (CONTROL-ENTITLEMENT).

Lumawak ang pakahulugan ng “pork barrel” dahil ninais ng taumbayan na gawing mas istrikto ang kontrol sa lahat ng pondo at sa pagbabadyet ng buong gobyerno. Nagimbal kasi ang mamamayan sa panibagong mga iskandalo.

Kung dati ay 20% SOP lamang ang nakukuha ng kongresista’t senador sa mga proyekto, ngayon ay walang proyektong nagaganap. Zero implementation. At ipinaghahatian lamang ang pondo sa proporsyong 50% lehislador : 40% pekeng NGO ni Napoles : 10% COA, DBM, atbp. ayon sa huling testimonya ng mga “whistleblower”.


Dahil sa “Pork Barrel Scam”, napansin na maling ibigay ng lump-sum o buong-buo ang mga pondong nasa solong pagdedesisyon ng mga pulitikong kumokontrol at tila umaangkin dito. At nakita ang ganitong depekto, hindi lamang sa PDAF kundi sa buong pondo ng gobyerno.

photo credit: betterphils.blogspot.com