Monday, October 14, 2013

Saan Nagmumula ang Pork Barrel?

Ang mga pulitiko, akala mo kung sinong mga aristokrata o dugong bughaw kapag may pinondohang proyekto. Paparada pa sa inagurasyon ng mga bagong kalsada, tulay, iskwelahan at anupang mga imprastrakturang pinatayo ng gobyerno. Personal na tatanggapin ang magkahalong pagmakakaawa't pasasalamat ng mga mamamayang tila mga deboto sa isang patron.

Ito ang pangatlong katangian ng "pork barrel": ang usapin ng kontrol at pag-angkin (CONTROL-ENTITLEMENT) sa pondo/proyekto.


Ang pinakamalinaw na ebidensya ng pag-iral nito ay ang naglalakihang mga billboard na nagsasabi kung kaninong opisina nagmula ang pondo sa isang proyekto. Sa nakaraang eleksyon, ang ganitong gawi ng mga pulitiko ay tinawag na "EPAL" at umani ng batikos sa publiko.

Sa kanilang inaasal, aakalain mong nagmumula sa sariling bulsa ang pondo para sa nasabing mga proyekto kaya dapat lang na magkaroon ng utang-na-loob ang ordinaryong mga sibilyan sa mga pulitiko. Pero hindi! Mula ito sa "Pork Barrel". Mula ito sa taumbayan!

Ang pork barrel ay nagmumula sa kita ng gobyerno, kung saan mahigit 80% ang nanggagaling sa pagbubuwis at halos 20% ang itinuturing na non-tax revenue. Ito ay nagmumula sa sumusunod:

a)      Income Tax sa Sahod at Kita ng mga Korporasyon at Propesyunal

Isang pinagkukunan ng tax revenue ay ang income tax. Ito ang buwis na kinakaltas sa sweldo ng 21.21 milyong sahurang manggagawa at sa kita ng mga korporasyon at mga propesyunal.

Ang "pork barrel" ay mas pasan ng mga sahurang empleyado dahil ang withholding tax ay awtomatikong kinakaltas sa kanilang kita kumpara sa mga korporasyong may iba't ibang paraan para sa ligal na tax avoidance (hindi tax evasion, na isang krimen) habang mas madaling magdeklara ng mas mababa sa totoong kita ang mga negosyante’t propesyunal.

b)      12% Value Added Tax (VAT)

Bukod sa income tax, nariyan ang 12% VAT na pinapasan ng mga kumokonsumo ng produkto't serbisyo at ipinapataw sa presyo ng mga bilihin.

Matagal ng umani ng kritisismo’t batikos ang ganitong klase ng di-direktang pagbububuwis (indirect taxation). Sabi ng mga ekonomista, hindi totoong kontra-mahirap ang ganitong paraan ng buwis. Diumano dahil ang mas malaking kumonsumo ay mas malaking buwis.

Kung titingnan ang absolutong halaga ng buwis na ibinabayad, totoong mas malaking VAT ang babayaran ng mga mayayaman kumpara sa mahihirap. Ang gumagastos ng P100,000 kada buwan ay maaring nagbabayad ng P12,000 sa 12% VAT.

Subalit kung titingnan sa proporsyon ng buwis kumpara sa income, mas malaki ang ibinabayad sa VAT ng mga mahihirap. Dahil ang kanyang kinikita ay buong-buo na kinokonsumo nang walang natitipid para sa savings o pag-iimpok.

Isalarawan natin. Sa ihinalimbawa natin kanina, ang isang may-kayang pamilya ay maaring nagbabayad ng P12,000 na VAT sa kanyang buwanang gastusin na P100,000. Pero kung ang kanilang monthly income ay nasa P150,000, 8% ng kanilang kabuuang kita ang napupunta sa VAT habang mayroon silang buwanang savings na P50,000.

Samantala ang isang manggagawa na may netong kita*, halimbawa, ng P15,000 kada buwan, ang kabuuang kita ay mauuwi sa konsumo. Siya ay magbabayad ng P1,800 na VAT. Mas maliit kumpara sa P12,000 na ibinayad sa VAT ng may-kayang pamilya. Ngunit ang buwis na kanyang pinasan, sa anyo ng VAT, ay 12% ng kabuuang kita, bukod pa sa withholding tax na kinaltas sa kanyang sweldo.

k)      Taripa sa Imported na Produkto

Kasunod ng Bureau of Internal Revenue (BIR), ang Bureau of Customs (BoC) ay ikalawa sa mga ahensyang may pinakamalaking koleksyon sa buwis. Kinokolekta nito ang taripa sa ini-import na mga raw materials para sa industriya at finished goods ng mga komersyante.

Ito ang isa sa pinakakorap na ahensya sa bansa. Ayon sa SONA 2013, may P200 Bilyon na halaga ng buwis ang hindi nakolekta ng BoC noong 2012. Hindi rin nito naabot ang target na P347 Bilyon na koleksyon noong nakaraang taon. P287 Bilyon lamang ang nakolekta ng Customs noong 2012.

Kamakailan lamang, naging kontrobersyal ang naturang ahensya nang ibulgar ni Customs Commissioner Biazon ang pagpasok ng mga “bata” ng mga kongresista’t senador sa naturang ahensya. 

d)     Non-Tax Revenue

Halos 20% ng kabuuang kita ng gobyerno ang hindi nagmumula sa buwis:  ang pabenta’t pagbili ng treasury bills at bonds ng Bureau of Treasury (BTr), ang kita mula sa pagbebenta ng pag-aari ng gobyerno sa pamamagitan ng pribatisasyon at ang kita mula sa mga government-owned and controlled corporations gaya ng PAGCOR.


Sumahin natin: Sa pangunahin, ang “pork barrel” ay mula sa buwis. Buwis na mas pinapasan ng nakararaming naghihirap. Habang kailangang repormahin ang sistema ng pagbubuwis upang ang “tax burden” ay gumaan sa mahihirap, ang masaklap, hindi ito bumabalik bilang serbisyo publiko. Dahil, bukod sa kinukurakot ng mga pulitiko, ang bilyon-bilyong pondo ng gobyerno ay ginagamit nila sa pagpapanatili’t pagpapalakas sa impluwensya’t kayamanan ng kanilang mga angkan.