Monday, October 14, 2013

Ano ang maari mong gawin para labanan ang “Pork Barrel”?

Hindi makukuha sa isang bigwas ng laban ng “pork barrel”. Kahit dumagsa ang daan-daang libong mamamayan sa Luneta noong Agosto 26, hindi natinag ang Palasyo.

Kunwari pang “inalis” ang PDAF pero pinatili ang “pork barrel” ng mga mambabatas. Pinalitan lamang ang proseso. Dati, ang bawat kongresista’t senador ay may P70 Milyon at P200 Milyon na pinagdedesisyunan ng bawat isa. Ngayon, nananatili pa rin ang pondong ito pero nasa kapasyahan na ng buong kapulungan. 

Bukod dito, nabulgar din ang Disbursement Acceleration Program (DAP), kung saan, ang natipid o “savings” sa pondo ay inilaan ng Department of Budget and Management (DBM) sa mga mambabatas na “malapit sa kawali” gaya ni Drilon. 

Nagmamatigas pa rin ang Palasyo. Ngayon nga’y nagkakabuhol-buhol at nagkakabulol-bulol na ito sa pagdepensa sa “pork barrel”. Laluna sa “presidential pork” na nagkakahalagang P1.3 Trilyon.

Saan magmumula ang pwersang lalaban sa “pork barrel”? Walang ibang pagmumulan ito kundi ang lakas ng pagkakaisa ng mamamayang Pilipino. Ang paglaya ng taumbayan mula sa korapsyon ay nakasalalay sa KILUSANG MASA; nasa pagkilos ng masang naghihirap.

Kailangan nating maging mapanlikha sa pagmumulat at pagpapakilos sa mamamayan. Kumbinsihan sila sa katumpakan ng ating mga panawagan. Kunin ang kanilang komitment sa laban sa pandarambong sa kaban ng bayan at sa elitistang pulitika. Tuklasin ang iba’t ibang porma ng pagkilos liban pa sa tradisyunal na pagrarali. Payabungin ang kanilang pagkukusa’t inisyatiba. Suportahan ang kanilang “ambag”, gaano man kaliit, sa kilusan laban sa pork. 

Sa manggagawa: Ilunsad ang mga talakayan ukol sa pork barrel tuwing breaktime. Sa mga may unyon, ipatawag ang mga pulong para sa diskusyon ukol sa naturang isyu; hikayatin ang paglahok ng lahat ng empleyado, maging ang mga kontraktwal.  Pagkaisahan ang union resolution para sa pagrereporma sa pagbabadyet ng gobyerno at paglilitis sa mga tiwaling mga opisyal. Magsabit ng “anti-pork” streamer sa labas ng pabrika.

Sa mga komunidad: Ipatawag ang mga pulong-bayan para ilinaw ang ating mga panawagan laban sa korapsyon at elitistang pulitika. Sundan ang sinimulang “noise barrage” ng mga relihiyoso tuwing Biyernes.

Sa mga estudyante: Magtalakayan ukol sa isyung nabanggit. Pumosisyon ang lahat ng samahang kabataan laluna ang mga student council laban sa “pork”.   Higit sa lahat, “tumungo sa masa” para isalin ang inyong pagsusuri sa mga kabulukan ng lipunan.

Mga kababayan, ang ating bansa ay ipinundar sa kagitingan ng ating mga bayaning lumaban para sa tunay na demokrasya. Mula tayo sa marangal na lahing nagbagsak sa diktadura. Subalit hindi pa tapos ang laban na kanilang sinimulan. Manalig tayo sa ating sarili. Sapagkat – higit kailanman – ang ating sasandigan ay ang pagkakaisa at pakikibaka ng sambayanang Pilipino.

photo credit: watchmendaily.com