Nagmula ang terminong ito sa Estados Unidos. Sa simula, ito ay may
positibong kahulugan. Pumapatungkol sa lahat ng anyo ng paggastos ng gobyerno
para sa kanyang mamamayan.
Kinalaunan, mas ginagamit ang salitang “pork barrel” sa negatibong konteksto. Binigyang deskripsyon nito ang
pagpopondo sa mga proyektong nakakonsentra sa piling mga lugar lang para makuha
ng isang pulitiko o partido ang boto, tiwala’t suporta ng mga benepisyaryo ng
pinondohang proyekto. Pinupuna rin nito ang inhustisya sa pondong mula sa
pasaning buwis ng buong mamamayan ngunit napakinabangan lamang sa isang erya o
teritoryo.
Ang teknikal na depinisyon ng “pork barrel” (sa paggamit ng mga
iskolar) ay ang pagkontrol ng lehislatura sa mga pondong lokal at aplikable
lamang sa mga mambabatas. Ito ang makitid na pakahulugan ng nasabing termino.
Pero – sa diksyunaryong Oxford at Miriam-Webster – ang “pork barrel” ay
mas malawak na ibig sabihin. Pumapatungkol sa paggamit ng mga pondo at sa mga
proyekto na naglalayong kunin ang boto ng mga botante/mambabatas at isulong ang
pampulitika’t kareristang interes ng mga halal na opisyal ng gobyerno.
Sa Pilipinas, dumaan din sa ebolusyon ang kahulugan ng “pork barrel”.
Una itong pumatungkol sa pondong nakalaan sa bawat kongresista’t senador – na
hindi na dumadaan sa normal na deliberasyon ng badyet at dinedesisyunan ng
indibidwal na mambabatas.
Sa partikular, ginamit ang “pork barrel” bilang katawagan sa Countrywide
Development Fund (CDF), na indibidwal na pondo ng bawat mambabatas para sa
kanilang kinakatawang distrito/teritoryo. Nang mabulgar ito sa midya, binatikos
ang nakukuhang 20% SOP o “standard operating procedure” na bawat kongresista’t senador
bilang “kickback” sa mga proyekto.
Noong taong 2000, pinalitan ng pangalan ng CDF at ginawang Priority
Development Assistance Fund (PDAF). Bago ito diumano’y “tinanggal” nitong
Agosto, nagkakahalaga ang PDAF ng P70 Milyon sa bawat kongresista at P200
Milyon kada senador.
Sa pagkakabulgar ng P10 Bilyong PDAF scam ni Janet Lim-Napoles, mas
lumawak ang pagkakagamit ng terminong “pork barrel”. Sinaklaw na rin ang lahat ng pondo ng
gobyerno (hindi na lamang sa lehislatura) na may katangiang gaya ng PDAF at
CDF.
Ang “pork barrel” ay kinatatangian ng sumusunod:
(a) buo-buong paglalaan ng pondo
at hindi paghihimay nito sa deliberasyon (LUMP-SUM APPROPRIATION);
(b) pagmumula sa
signipikante (at kadalasa’y natatanging) pagdedesisyon ng isa o higit pang
opisyal ng gobyerno (SIGNIFICANT – AND OFTEN SOLE DISCRETION by public officials); at,
(k) pagkontrol at/o pag-angkin
ng naturang mga opisyal (CONTROL-ENTITLEMENT).
Lumawak ang pakahulugan ng “pork barrel” dahil ninais ng taumbayan na
gawing mas istrikto ang kontrol sa lahat ng pondo at sa pagbabadyet ng buong gobyerno.
Nagimbal kasi ang mamamayan sa panibagong mga iskandalo.
Kung dati ay 20% SOP lamang ang nakukuha ng kongresista’t senador sa
mga proyekto, ngayon ay walang proyektong nagaganap. Zero implementation. At ipinaghahatian
lamang ang pondo sa proporsyong 50% lehislador : 40% pekeng NGO ni Napoles :
10% COA, DBM, atbp. ayon sa huling testimonya ng mga “whistleblower”.
Dahil sa “Pork Barrel Scam”, napansin na maling ibigay ng lump-sum o
buong-buo ang mga pondong nasa solong pagdedesisyon ng mga pulitikong
kumokontrol at tila umaangkin dito. At nakita ang ganitong depekto, hindi
lamang sa PDAF kundi sa buong pondo ng gobyerno.
photo credit: betterphils.blogspot.com