Monday, October 14, 2013

Ano ang Epekto ng Pork Barrel?

Bulgar na sikreto ang tiwaling paggamit ng mga pulitiko sa pondo ng gobyerno. Sa ligal at iligal na paraan ito ay para sa kanilang sa sariling pagpapayaman at sa pagpapanatili sa kapangyarihan.

Ngunit ang tila hindi pinapansin na marami, ang “pork barrel” ay sintomas ng matinding kanser sa lipunan, na nagdudulot na sumusunod na mga epekto:

a)      Atrasadong ekonomya. Ang Pilipinas ay isang bansang sagana sa likas-yaman at yamang-tao. Subalit hindi umuunlad ang ating ekonomya para bigyan ang ating mga kababayan ng disente’t regular na trabahong may sapat na sweldo, na siyang dahilan kung bakit nangingibang-bayan ang mga Pilipino. 

Sa paglipas ng mga taon, nawawaldas ang pondo ng gobyerno dahil sa “pork barrel”. Hindi ito nailalaan sa pagpupundar ng mga sangkap para sa isang masiglang ekonomya: ang modernisasyon ng agrikultura at industriyalisasyon. Mas maliit din – kumpara sa naibabayad sa utang-panlabas – ang pondo para sa iba’t ibang pangangailangan ng taumbayan: kalusugan, edukasyon, pabahay, atbp.

Isang kabalintunaan ang resulta. Palagiang katwiran ang kakapusan ng pondo ng gobyerno para sa serbisyo publiko na siyang dahilan ng pribatisasyon at pakikipagsosyo nito sa mga kapitalista. 


Ang pribadong sektor ay hinihikayat na mamuhunan sa pagtatayo ng ospital, iskwelahan, pabahay, kalsada, mga pasilidad sa kuryente at tubig. Pero mahigit isang trilyong piso ang winawaldas ng mga pulitiko sa anyo ng pork barrel.

b)      Bulok na pulitika. Linulukuban ng kawalang pag-asa ang taumbayan. Ngunit hindi naman ito inaalintana ng mga pulitiko. Mas nagiging bentahe pa nga sa kanila kapag walang mapagkukunang marangal ng hanapbuhay ang nakararami. Dahil bulnerable sila sa panunuhol, hindi lang tuwing eleksyon kundi maging sa mga panahon ng kagipitan para sila ay lumapit kay meyor, gubernador, kongresman, senador, bise-presidente at pangulo para sa animo’y “libreng tulong”. Pero sa totoo lang, ang ayudang ito ay hindi “libre” kundi binabayaran ng taumbayan sa anyo ng buwis.

“Pork barrel” ang dahilan ng paghahangad ng mga pulitiko na makapwesto sa gobyerno. Ito rin ang ginagamit ng mga pangulo ng republika ng Pilipinas para sumunod ang lahat ng opisyal ng burukrasya. Hindi nakapagtatakang nakapabilis magpalit ng kulay ang mga pulitiko. Bumabalimbing at tumatalon sa naghaharing partido ng administrasyon. Hindi nag-uusap ng prinsipyo, programa o plataporma. Hindi inaalam ng mga namumuno kung saang direksyon dadalhin ang bansa. Kaya ang ating bayan ay maihahambing sa  barkong hindi alam kung saan tutungo.

Napakalaki ng pondong nakokolekta mula sa buwis na pasan ng taumbayan. Ngunit imbes na paglaanan ang isang pangmatagalan, komprehensibo at makatuwirang plano tungo sa progresong panlipunan, ito ay nagsisilbi sa panandalian, makitid at makasariling interes ng iilang pulitiko.

k)      Matinding kahirapan. Ang pagiging atrasado ng ekonomya (dahil kulang sa ayuda ng gobyerno para sa mga pasilidad at serbisyo) at ang bulok na pulitika ng mayayamang mga pulitiko ay dalawang salik sa tumitinding kahirapan ng masang Pilipino.

Umiiral ang isang malaking kabalintunaan. Sa mga pabrika’t plantasyon, nariyan ang manggagawa’t magbubukid na may maliit na kita, pinapasan ang mga buwis na bumabawas sa take-home pay at nagpapataas sa mga presyo ng bilhin. Sa sobrang baba ng pasahod, napipilitang mag-overtime na ang resulta’y tumataas lalo ang buwis na kinakaltas sa sahod at binabayarang VAT kapag ipinambayad sa mga bilihin.

Dahil sa mababang pasahod at kawalan ng regular na trabaho, napipilitan ang marami na umalis ng bansa. Maging OFW at magpadala ng remittances na pinagmumulan din ng buwis kapag ipinambili ng kanilang mga pamilya.

Sa kabilang banda – at narito ang mas malaking bilang ng populasyon – nariyan ang milyon-milyong Pilipinong maikakategorya bilang “poorest of the poor” na pinagsasamantalahan ng mga pulitiko na diumano’y nagbibigay sa kanila ng “tulong”. Dagdag pa ang napakarami ring “underemployed” na nabubuhay sa tinaguriang underground economy gaya ng mga maliliit na manininda sa kalye’t lansangan ng mga syudad at sentrong-bayan sa bawat rehiyon.

Ipinagmamalaki ng gobyerno ang pag-unlad ng ekonomya ng bansa at kabuhayan ng mamamayan. Subalit, ang totoo (at kinukumpirma ito ng mismong datos ng gobyerno), ang nakalasap lamang ng pag-unlad ay ang 40 pinakamayayamang mga pamilya sa bansa, na liban sa mga negosyante’y kabilang ang ilang mga halal ng opisyal ng gobyerno.