Bago pa man nabulgar ang “P10 Billion Pork Barrel Scam” na kinasasangkutan
ni Janet Lim-Napoles at ilang mga opisyal ng gobyerno (hindi lamang
kongresista’t senador kundi maging mga kawani sa DBM at COA), alam na ng
taumbayan ang ligal at iligal na paggamit ng mga pulitiko sa pondo ng gobyerno.
Subalit ang problema – marami ang nanahahimik, maging ang mga
ordinaryong mamamayang nagrereklamo sa buwis at korapsyon. Sila rin kasi ay
natatalmsikan ng mantika ng “pork barrel” na tipak-tipak namang sinasagpang ng
mga pulitiko. Ito ay mamamayang tinutulak ng desperasyon na pumila para sa mas
mura o libreng gamot, pagpapagamot, pagpapaospital, iskolarship, at iba pang
mga proyektong tinutustusan ng “pork barrel”.
Huwag mangangatuwiran ang ating magigiting na mga opisyal na dapat manatili
ang “pork barrel” dahil nakikinabang dito ang taumbayan. Sa pamamagitan raw
nito, nakakatulong sila sa mahihirap.
Ang lakas ng loob at kapal ng mukha ng mga ito! Tayo pa ang
magpapasalamat sa kanila!? Kanino ba nagmula ang kanilang “tulong”? Sa atin
din!
Subalit – at ito ang tunay na mas masahol – ang kanilang diumano’y
“pagtulong” sa mamamayan ay pabalat-bunga lamang ng komplikadong modus operandi para pasimpleng magnakaw
sa kaban ng bayan.
Sa milyon-milyong halaga ng proyekto mula sa “pork barrel”, aambunan ng
barya ang libo-libong mahihirap na benepisyaryo. Habang may substansyal na
bahagi ng pondo ang makukulimbat na “porsyento” o “kickback” ng mga pulitiko, na
karaniwang nasa bente porsyento (20%) ng kabuuang badyet ng proyekto bago
nabulgar ang pork barrel scam.
Itinuring na nga tayong pulubi. Binigyan pa ng baryang hindi naman nanggaling
sa kanila. Habang nangatuwiran pang sila ay tumutulong lamang. Pero mas malaki
pa ang kanilang naibulsa kumpara sa masang kanilang “tinulungan”!
At pagdating ng halalan, hihingiin pa nila ang boto bilang “utang na
loob” o kabayaran sa kanilang pagtulong. Tayo na ang ninakawan. Tayo pa ang may
utang. Utang na loob! Ano ito kundi isang malaking kahibangan!?!
Subalit may karamihan din sa ating taumbayan ang kusang nagpapabiktima
sa sistemang “pork barrel”.
Mas mainam na raw na nariyan ang “pork barrel” dahil mayroong
nahihingian at nalalapitan ang taumbayan. Pero totoo bang ang nakikinabang ay
ang taumbayan? Hindi bilang kabuuan kundi bilang mga hiwa-hiwalay na mga
indibidwal na kanya-kanyang dumidiskarte kung sinong pulitiko ang kanilang
malalapitan.
Narito ang problema. Hindi nagkakaisa ang masang Pilipino. Ang iniisip
ay solo-solong katawan at solo-solong pamilya. Walang pakialam sa kaban ng
bayan ang nireresolba lang ay ang araw-araw na pagpapakalma sa sikmurang walang
laman.
Kung ganitong mag-isip ang taumbayan, huwag tayong magtaka kung bakit
may mga pulitikong tila mga hari’t reyna na nangingibabaw sa lipunan at may
kakuntsaba silang gaya ni Janet Lim-Napoles. Sapagkat ang namamayaning kaisipan
ng masang mamamayan ay “Hindi na baleng
alipin, basta kumakain!”
photo credit: Philippine Collegian