Kapag napag-uusapan ng taumbayan ang sunod-sunod na mga iskandalo
matapos mabulgar ang “P10 Bilyon Pork Barrel Scam”, madalas punahin ng
taumbayan ang “ugali” ng mga nasasanangkot sa mga iskandalo. Dahil sila ay swapang,
ganid, switik, atbp.
Pero ang ginagawa ng isang tao ay hindi niya arbitraryong ginagawa o
basta-bastang idinidikta ng kanyang ugali. Ang mga desisyon sa buhay ng tao ay
hinuhulma’t hinubog, iniimpluwensya’t inuudyukan ng mga bagay ng labas o
eksternal sa kanya. Idinulot din ito ng umiiral na sirkumstansya.
Sa kaso ng “Pork Barrel”, ang ganitong gawi ng mga pulitiko ay
nagmumula isang kondisyon para sa sistematikong pagnanakaw ng kaban ng bayan. Ito ay ang sistema ng elitistang
demokrasya, na nanumbalik sa bansa matapos ang EDSA 1.
Matapos ang Pebrero 1986, sinasabing nanumbalik na raw ang “demokrasya”
sa bansa. Kung dati ay naididikta ng mga Marcos kung sino ang magsisilbing
opisyal ng gobyerno, ngayo’y hinahalal na sila ng taumbayan.
Pero anong klase ng demokrasya ang bumalik? Hindi ang tunay na
demokrasya na ang diwa’y paghahari ng nakararami o “rule of the majority”. Ang
milyon-milyong ordinaryong mga sibilyan ay taga-boto at taga-buwis lamang.
Hindi tayo kasali sa pagugubyerno. Hindi kinokonsulta ang kanilang boses kung
magkanong buwis ang kanilang papasanin at kung saan gagastusin ang mga
nakolekta ng gobyerno.
Ang totoong nagaganap ay kabaliktaran ng demokrasya. Isang diktadurang
nakakubling demokrasya. Diktadurya ng iilan sa nakararami!
Ganito ang sistema ng “elitistang demokrasya”. Hindi na kailangang
konsultahin pa ang boses ng taumbayan dahil bahala na ang kanilang mga
kinatawang hinalal nila para maging opisyal ng burukrasya. Ito ang klase ng
pulitika sa bansa bago mag-Martial Law.
At nang nanumbalik ito noong 1986, kasabay ding nakabalik sa poder ang
mga apelyidong dating nang naghahari sa bansa: ang mga Cojuangco, Aquino,
Roxas, Osmena, Macapagal, atbp., At pati mga bagong “political dynasty” na
sumibol sa panahon ni Cory gaya ng mga Binay.
Ang paghahari ng mga “political dynasty” sa bawat syudad, munisipyo at
probinsya ay nanatili at lumalawak sa pamamagitan ng “pork barrel. Sila na
kumukha ng “kickback” sa mga proyekto. Sila na ume-EPAL sa bawat binibigay na
tulong. Sila na bumibili ng boto tuwing halalan. Higit sa lahat – ang mga
dinastiyang ito ang tuwing halalan na tagahakot ng boto ng mga kandidato sa
pambansang posisyon (pangulo, bise-presidente, senador). At matapos ang
eleksyon, bilang ganti, sila ay bibigyan ng mga proyekto ng mga gobyerno
kapalit ng kanilang serbisyo.
Kawatan na sa kaban ng
bayan. Kinatawan pa ng mayayaman. Ang ating burukrasya ay ang pinakamalaking
sindikato sa bansa. Gaya ng mga organisadong mga kriminal, kumikilos silang
lingid sa kaalaman ng publiko. Sikreto ang galaw ng buong burukrasya. Umaandar
ang mga milyon-milyon at bilyon-bilyong mga transaksyon sa likod ng mga anino
at hindi natatanaw ng taumbayan. Dahil nakatago sa mamamayan, hindi
nakapagtatakang maging “likas” sa kanila ang maging mga magnanakaw at
mandarambong.
Subalit
ang mas masahol, hindi lamang sila mga kawatan. Mas pa, sila ay mga
representante ng mayayaman. Kumakatawan sa interes ng mga dayuhang korporasyon,
mga kapitalista at mga asendero. At numero unong tagapagtaguyod ng mga
patakarang liberalisasyon, pribatisasyon, deregulasyon at kontraktwalisasyon.
Mga polisiyang nagdulot ng matinding kompetisyon mula sa dayuhang mga produkto,
pagtaas ng singil sa kuryente’t tubig, kawalang kontrol sa sumisirit na presyo
ng produktong petrolyo’t langis, at pagbagsak ng sahod at kawalan ng regular na
trabaho.