Monday, October 14, 2013

Ano ang Dapat Gawin sa Pork Barrel (at Pagbabadyet ng Gobyerno)?

Kung totoo ang ipinagmamalaking “tuwid na daan” ng administrasyon ni Noynoy Aquino, na nagtagumpay sa islogang “kung walang korap, walang mahirap”, dapat inalis na “pork barrel” na matagal nang itinuturong ugat ng korapsyon sa gobyerno. Subalit hindi na nga tinanggal, lumobo pa ito mula 2010.

Kaisa natin ang buong sambayanang nananawagan sa pagbabaklas ng sistemang “pork barrel”. Isinusulong natin ang sumusunod na panawagan:

SCRAP ALL PORK. Alisin ang lahat ng anyo ng pork barrel. Hindi lamang ng PDAF ng mga kongresista’t mambabatas kundi ng lahat ng ganitong klase ng mga pondo’t proyekto na hindi detalyadong inililista kung saan ilalaan, dinidesisyunan lamang ng iilan at inaangkin/kinokontrol ng opisyal ng bayan. Dapat alisin ang “presidensyal pork”. Repormahin ang pagbabadyet tungo sa pagtutukoy sa paglalaanan ng lahat ng pondo ng gobyerno. Maaring maglagay ng lump-sum na badyet para sa mga sakuna at kagyat na mga suliranin ngunit gawing istrikto ang paggamit nito upang hindi magresulta sa pang-aabuso ng mga pulitiko.


INVESTIGATE and PROSECUTE ALL. Imbestigahan at parusahan ang lahat ng sangkot sa paglulustay sa kaban ng bayan, kasama ang tinuturong “mastermind” ng P10 Bilyon Pork Barrel Scam na si Janet Lim-Napoles. Sa ngayon, napupuruhan ng atensyon ang kaso laban kina senador Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada, Bong Revilla, at iba pang mambabatas, na puro mga nasa partido ng oposisyon. Magkaroon ng isang totoo at walang-sinasantong imbestigasyon sa pondo ng gobyerno tungo sa isang komprehensibong audit sa pondo ng pamahalaan.

AUDIT and DISCLOSE ALL. Ilabas ang 2010 – 2012 report Commission of Audit (COA), hindi lang ang report mula 2007 hanggang 2009 na siyang pinagmumulan ng mga kasalukuyang kaso sa Ombudsman. Isabatas ang Freedom of Information (FOI) Bill upang maging bukas sa publiko ang lahat ng dokumento ng gobyerno.

REPORMA SA PAGBABADYET NG GOBYERNO. Bigyang boses ang taumbayan sa pagbabadyet. Ito ay nasa diwa ng “soberanya” na ayon sa 1987 Constitution, ang lahat ng kapangyarihan ng gobyerno ay nagmumula sa taumbayan. Ang mamamayan ang magtatakda kung paano ililipat ang “pork barrel” tungo sa serbisyo publiko gaya ng edukasyon, kalusugan, pabahay, atbp.